Tuesday, April 1, 2008

Hello Garci, O Kung Paano Nakipagtalik si Ate Glo kay Garci

(Here is an old article I wrote about the Hello Garci scandal. In light of the ZTE scandal and the countless scandals involving the First Family, I think we should always be reminded that the present occupant in MalacaƱang is, in the words of Conrado de Quiros, a squatter.)

Ang sex ay madalas nag-uumpisa sa lambingan. Kasama dito ang palitan ng mga matatamis at makahulugang salita. Ang paggamit ng ganitong uri ng pananalita ay mabisang sandata sa pagpapa-init ng imahinasyon ng sinumang kausap mo. Ito ang unang hakbang sa foreplay, na kung ikaw ay susuwertehin, ay mauuwi sa sex. Lalake ka man o babae, dapat kaya mong lambingan ang iyong pananalita upang hindi ka umuwing talunan.

Ganito ang maaari nating gawing pagbasa sa pagbati ni Pangulong Gloria Arroyo kay Comelec Commissioner Virgilio Garciliano nang tawagan niya ito sa telepono habang abala sa pagbibilang ang Comelec noong eleksiyon ng 2004. Dalawang salita lang ang ginamit ni Arroyo: “Hello, Garci.” Kung babasahin natin ito bilang texto, puwede nating sabihin na ito’y isang uri ng foreplay na mauuwi sa pagtatalik.

“All pleasure is ultimately sexual pleasure,” ayon kay Sigmund Freud. Suriin natin kung paano sinabi ni Arroyo ang mga salitang Hello, Garci. Kung pakikinggan itong mabuti, ito’y punong-puno ng paglalambing, na tulad nga ng nabanggit ko ay isang uri ng foreplay. Dagdag pa dito ang paggamit ni Arroyo ng “Garci” na siyang term of endearment kay Garciliano ng mga taong malapit sa kanya. Samakatuwid, malinaw na intimeyt ang pagkakakilala nila sa isa’t-isa. Malalim na ang kanilang pinagsamahan. Importante rin ang ginampanan ng paggamit ni Arroyo ng “celphone” upang makipag-usap (o makipaglambingan) kay Garciliano. Ang “celphone” ay maaaring tingnan bilang isang “phallic symbol” na kung saan kailangang idikit ni Arroyo ang kanyang bibig upang marinig ni Garciliano sa kabilang linya ang kanyang matamis na pagbati ng “Hello, Garci.”

Ngunit bakit ganoon na lang kalambing ang pagbati ni Arroyo kay Garciliano? Ito’y sapagkat may nais makuha si Arroyo kay Garciliano: ang pagkapanalo niya bilang presidente. Ang pagkapanalong ito ang magbibigay kay Arroyo ng “pleasure” na maaaring katumbas ng isang “orgasm.” Kilala si Arroyo bilang isang “hands-on manager” at madalas ay siya mismo ang personal na tumatawag sa mga opisyal ng kanyang pamahalaan upang siguraduhing tama ang pagkakaintindi nila sa kanyang mga direktiba. Ibig sabihin ay nakakakuha siya ng “pleasure” sa kaalamang nasusunod ang kanyang gusto. Ganito ang ginawa niya kay Garciliano. Natapos ang bilangan at tuluyan nang naiproklama ang pagkapanalo ni Arroyo. Si Arroyo ba talaga ang nanalo? Malinaw na hindi. Ang “pakikipagtalik” ni Arroyo kay Garciliano ay hindi lang kataksilan sa kanyang asawang si Jose Pidal ngunit kataksilan rin sa sambayanang Pilipino.

Lalo tuloy nalugmok sa paghihikahos ang kawawang si Juan de la Cruz. ‘Ika nga ni Francisco Balagtas, “Sa loob at labas ng bayan kong sawi, kaliluha’y siyang nangyayaring hari.”

No comments: