Wednesday, April 9, 2008

Ang Alamat ng Walang Kuwentang Pangulo ng Filipinas

(Tingnan n'yo naman ang mukha ni Arroyo dito? Nakakasuka! Talagang pinapalabas niya na siya ang lumulutas sa problema sa bigas at sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Sinong niloko mo, Ate Glo?)
Totoo bang may krisis tayo sa bigas? Kung makikinig tayo sa sinasabi ng media, ang sagot ay "Oo." Ilang linggo nang laman ng diyaryo at TV ang tungkol sa isyung ito. Mismong si Mike Enriquez ang nagbalita nito, at dahil walang "kinikilingan" ang "imbestigador" kuno ng bayan, siguro nga ay totoo ito. Pero bago natin lunokin ang sinabi ni Mike, tayo naman ang mag-imbestiga at tingnan natin kung paano tayo nakarating sa sitwasyong ito.

Ano ba ang mainit na isyu na bukambibig nating lahat bago sabihin ng gobyerno na may rice shortage daw tayo? Hindi ba't iyong tungkol sa milyon-milyong kickback nina First Gentleman (gentleman daw?) Mike Arroyo, Benjamin Abalos, et.al. sa ZTE deal? Kaliwa't kanan ang pasasalamat natin kay Jun Lozada dahil sa walang takot niyang pagharap sa Senado para ibunyag lahat ng kawalanghiyaan nina Arroyo at Abalos. Nagkaroon ng sunod-sunod na rally sa lansangan upang muling ipanawagan ang pag-alis ni Gloria Arroyo at ng pamilya nito sa MalacaƱang. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Matatandaang ilang beses na ring nadawit ang pamilya Arroyo sa iskandalo. Kung wala lang memory gap ang mga Filipino, sa Hello Garci issue pa lang ay napatalsik na sana ang pamilya Arroyo. Pero mukha yatang talagang magaling makaisip ng palusot ang PR team (a.k.a. spin doctors) ni Pangulong Arroyo.

Sa gitna ng panawagan na bumaba sa kanyang puwesto ang Pangulo, isang umaga'y biglang na lamang may nagsabi na may rice shortage daw tayo. Saan ba nanggaling ito? Hindi ba sa gobyerno? Biglang nagpa-presscon ang dating estudyante (and currently, isa sa mga tuta) ni Pangulong Arroyo na si Agriculture Secretary Arthur Yap and, with a dignified, elitist look, ay sinabi na may problema tayo sa bigas. Nagpa-uto naman ang media at dito na naka-sentro ang lahat ng kanilang binabalita. Sa isang iglap, nakalimutan natin ang ZTE at ang milyon-milyong kickback ni First Ungentleman, Abalos et.al. 'Yan ang nagagawa ng memory gap. Ang pobreng Jun Lozada - kung noon ay sinusundan ng media ang bawat galaw niya pati ang kanyang matagumpay na campus tour at photo op sa mga estudyante, ngayon ay halos limot na ng mga tao. Ngayon ay tayo naman ang humihingi ng tulong kay Pangulong Arroyo upang malutas ang problema sa bigas. Ang sagot ng Pangulo sa krisis kuno: mag-rasyon ng NFA rice! Bida na naman si Ate Glo. Tumaas na ang presyo ng mga pangunahing bilihin? Eh di magbukas ng "Bagsakan Center" kung saan mas mura lahat. Basta huwag kalilimutan ang malaking picture ni Ate Glo sa mga posters.

Balikan natin ang tanong: totoo bang may krisis tayo sa bigas? Ang sagot ay oo. Nagtaasan ang presyo ng lahat ng commercial rice. Hindi lamang bigas kundi lahat ng pangunahing bilihin. Pero huwag natin kalimutan na kagagawan din ito ni Ate Glo. Sino ba ang nagsabing mas matipid para sa gobyerno na mag-import na lang ng bigas kaysa suportahan ang lokal na agrikultura? Hindi ba't si Pangulong Arroyo din? Ang makitid na pangangatuwirang ito ay patunay lamang na wala sa agenda ng gobyernong ito ang food security. Lahat ng solusyon na ibinigay ni Pangulong Arroyo ay pawang panandalian lamang. Hindi nito malulutas ang problema. Samakatuwid, malinaw na ginagawa lamang ito ni Ate Glo upang magpa-pogi sa atin at para mapagtakpan ang kurakot na reputasyon ng kanyang pamilya. Hindi na ako magugulat kung isang araw ay bigla na lamang magdeklara ng martial law si Pangulong Arroyo para tugonan kunwari ang mga problemang kinakaharap natin (na iyon pala'y kagagawan rin niya).

Mukha yatang nakalusot na naman si Pangulong Arroyo at First Ungentleman. Kung magpapatuloy ang memory gap nating mga Filipino, magpapatuloy rin ang pananamantala ng pamilya Arroyo, Abalos, at ng mga politikong katulad nila. Umiiral na naman ang pagiging martir at gullible natin. Kailan kaya tayo muling mauuntog?

No comments: