Friday, April 18, 2008

Halina't Tikman Ang "Ben's Burjer"


Ibang klase rin ang kapal ng mukha nitong si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos. Matapos mangurakot sa ZTE deal, ngayon naman ay nagbukas ang pamilya niya ng isang hamburger joint na tinawag nilang "Ben's Burjer" (kung hindi mo alam kung bakit "burjer," eh sorry ka na lang). Nakakainsulto 'di ba? Parang pinagtatawanan niya tayo dahil mukhang nakalusot na siya sa gusot ng ZTE deal.

Bago na naman umiral ang memory gap nating mga Pinoy, narito ulit ang ilang korapsyon na kinasangkutan ni Abalos (source: http://www.gmanews.tv/):

1. Noong nasa Comelec pa siya, nadawit ang pangalan niya sa P6.5 billion Photokina deal, isang voter registration and identification system project ng Comelec noong 2002. May mga kaibigan kasi siya sa Photokina. Hanggang ngayon wala pang nangyayari sa kasong ito.

2. Habang chairman siya ng Comelec noong 2003, bumili ang Comelec ng P1.3 billion worth of computers mula sa Megapacific Consortium, isang baguhang kompanya na wala pang malinaw na track record, para sa computerization ng eleksiyon sa 2004. Dineklara ng Supreme Court na void ang kontrata sa Megapacific dahil sa iregularidad sa bidding. Kaibigan pala ni Abalos ang mga taga-Megapacific. Ngayon ay nakatambak na lang ang mga computers sa isang warehouse, binayaran gamit ang mga buwis natin pero hindi man lang natin napakinabangan. Hanggang ngayon wala pang nangyayari sa kasong ito.

3. Hello Garci. Si Abalos ang chairman ng Comelec noong nangyari ito. Golf buddy ni Abalos si Mike Arroyo. Asawa ni Mike Arroyo si Pangulong Gloria. Si Gloria ang nanalo sa eleksiyon. Connect the dots...

4. ZTE deal. Siguro naman naaalala pa ninyo ito. Milyon-milyon sana ang kickback ni Abalos at Mike Arroyo. Buti na lang at binuko sila ni Jun Lozada. Si Jun Lozada, isang bayani na unti-unti na nating nakakalimutan.

Paano pa kaya kung hahalungkatin natin pati iyong mga ginawa niya noong MMDA chair pa siya o noong mayor pa siya ng Mandaluyong? Baka kulangin ng space dito. Ganyan yata talaga 'pag ang backer mo eh si Mike Arroyo.

No comments: